Sermon

God's Word Faithfully Preached from the Pulpit

Katekismong Heidelberg LD 1: Ang Ating Tanging Kaaliwan (Isaiah 53:10 and Romans 14:7-9)

Isang mapagpalang bagong taon sa ating lahat. Dahil bagong taon na, tayo ay magkakaroon ng panibagong series na pag-aaralan tuwing vesper service, at ito ay ang Heidelberg Catechism. Naalala ko po noong unang beses naming maka-attend sa isang reformed church, may tatlong bagay na nakapagpa-culture shock sa akin. Una ay yung pagkanta natin ng mga hymns. Dahil galing ako sa charismatic at evangelical church, mas nasanay ako sa mga contemporary Christian songs na kadalasan ay kinanta ng Hill Song, Planet Shakers, Chris Tomlin at iba pa. Inaamin ko, hanggang ngayon medyo nami-miss ko pa rin ang mga ganoong klase ng kanta, pero nagsisimula ko na rin maappreciate ‘yong mga hymns lalo na kapag pinagbubulay-bulayan ko ‘yong mga lyrics nila.

Ang sumunod na nakapagpa-culture shock sakin ay yung pagre-recite natin ng Apostle’s Creed. Tandang-tanda ko pa noong una kong marinig na nirecite niyo ‘yon, nagtaka ako kung Roman Catholic church ba yung napasukan ko. Sa pagkakatanda ko kasi, sa Roman Catholic church ko lang narinig ang Apostle’s Creed at kahit isang beses, hindi ko ito narinig na binasa sa lahat ng charismatic at evangelical churches na napuntahan ko.

Ang huling nakapagpa-culture shock sa akin ay iyong pag-gamit natin ng confessions at catechism. Nagtaka rin ako dahil ang pagkakaalam ko ay ang katekismo ay gamit lamang ng mga Roman Catholics. Naaalala ko kasi noong ako ay nasa elementarya, tuwing Miyerkules o Huwebes ay may dumadalaw sa klase namin na isang katekista at tinuturuan niya kami kung papaano magrosaryo at ikinikwento niya sa amin ang buhay ng mga santo ng mga Romano Katoliko.

Bago ko pa dalhin sa ZCRC ang aking pamilya, nabanggit na sakin ng aking matalik na kaibigan na si Angelo Labios itong Heidleberg Catechism. Na-curious ako at niresearch ko ito sa internet at natuwa naman ako sa nilalaman nito dahil para itong Bible study lessons na nasa form ng question and answer at kada sagot sa tanong ay may mga supporting Bible verses. Nakita ko na maayos at sistematiko ang pagkakagawa ng katekismong ito at mukhang mainam itong gamitin bilang material para sa Bible study. Pero dahil isa akong tipikal na charismatic evangelical Christian at mali ang pagkakaintindi ko sa konsepto ng Sola Scriptura, ang una kong naging tanong sa aking isipan ay “Sinabi ba sa Bibliya na dapat nating i-practice ang ketekismo?” “Hindi ba parang dinadagdagan natin ang Bibliya kapag gumagamit tayo ng ibang bible study material sa pag-aaral ng salita ng Diyos bukod sa Bibliya?”

Bago ang lahat ipaliwanag muna natin kung ano ang ibig sabihin ng katekismo. Ang catechism ay galing sa isang salitang Gryego na ang ibig sabihin ay “to sound, to resound, to instruct by word of mouth, and to repeat the sayings of another”. Ito rin ay hango sa isa pang salitang Gryego na ang ibig sabihin ay “to teach the first principles and rudiments of a particular doctrine”. Ang katekismo, kung ibabase natin sa pagkakagamit ng simbahan, ay isang sistematikong paraan ng pagtututuro ng mga basic principles ng Christian faith na idinisenyo para sa mga bagong mananampalataya. Ang katekismo ay naglalaman ng mga maikli, simple at madaling maintindihan na pagpapaliwanag ng mga katuruan ng Kristianong pananampalataya na isinaayos sa pamamagitan ng mga tanong at sagot. Sa paraan ng pagtuturong ito, ang mga mag-aaral ay inaatasang paulit-ulit na sagutin ang mga tanong hanggang sa makabisado nila ang mga ito.

Sa primitive church, ang tawag sa mga mag-aaral ng katekismo ay Catechumens. Ang mga catechumens na ito ay parte na ng simbahan. May dalawang klase ng cathecumens, una ay ang

mga bagong mananampalataya na nasa hustong edad na ngunit hindi pa nabautismohan, at pangalawa ay ang mga anak ng mga mananampalataya na miyembro na ng simbahan at nabautismohan na noong sila ay mga sanggol pa lamang. Iyong mga catechumens na nasa tamang edad ay kinakaialangan munang sumailalim sa katekismo bago sila mabautismohan at payagang makibahagi sa Lord’s Supper. Iyong mga batang catechumens naman ay sumasailalim din sa katekismo at kapag nakapasa na sila ay sasailalim sa confirmation by laying on of hands at kung sila ay tumungtong na tamang edad ay papayagan na ding makibahagi sa Lord’s Supper. Ang tawag naman sa mga nagtuturo ng katekismo sa mga catechumens ay Catechists.

Sa tanong na sinabi ba ng Bibliya na dapat nating i-practice ang katekismo, ang sagot ay oo. Malinaw na sinasabi ng Banal na Kasulatan na dapat nating ituro sa mga mananampalataya ang mga doktrinang nakasaad sa Bibliya. Go therefore and make disciples of all the nations, baptizing them in the name of the Father and of the Son and of the Holy Spirit, teaching them to observe all things that I have commanded you. (Mt 28:19-20).

Bukod pa rito, dapat din nating turuan ang ating mga anak dahil sila ay bahagi ng simbahan. And these words that I command you today shall be on your heart. You shall teach them diligently to your children, and shall talk of them when you sit in your house, and when you walk by the way, and when you lie down and when you rise. You shall bind them as a sign on your hand, and they shall be as frontlets between your eyes. You shall write them on the door posts of your house and on your gates. (Deuteronomy 6:6-9)

Sa katanungan naman na dinadagdagan ba natin ang Bibliya kapag gumamit tayo ng katekismo sa pagtuturo, ang sagot ay hindi. Bilang mga miyembro ng reformed church, naniniwala tayo na ang Banal na Kasulatan lamang ang nag-iisang basehan ng ating pamumuhay at pananampalataya. Wala nang ibang source of Divine Revelation kundi ang Bibliya lamang. Ang Heidelberg Catechism ay hindi naglalaman ng anumang rebelasyon na hindi makikita sa Banal na Kasulatan. Ang ginagawa lamang ng Heidelberg Catechism ay ipaliwanag at isa-ayos ang mga katuruang mababasa natin sa Bibliya sa paraang madaling maiintindihan ng mga bagong mananampalataya. Ang dahilan kung bakit tinatangkilik natin ang paggamit ng Heidelberg Catechism ay dahil ang lahat ng nakasulat dito ay sang-ayon at tugma sa lahat ng sinasabi ng Bibliya.

Ang Heidelberg Catechism ay ginawa sa utos ni Elector Frederick III na siyang namamahala sa pinakamaimpluwensyang probinsya sa Germany, ang Palatinate, mula 1559 hanggang 1576. Kinomisyon ni Frederick III si Zacharius Ursinus, isang 28 taong gulang na professor ng Theology as Heidelberg University at si Caspar Olevianus, ang 26 na taong gulang na Court Preacher ni Frederick, para gawin ang nasabing ketekismo upang magamit sa pagtuturo ng mga kabataan at upang maging gabay sa pagtuturo ng mga pastor at mangangaral. Kasama at katulong din nina Ursinus at Olevianus ang buong theological faculty ng Heidelberg sa paggawa ng dokumentong ito.

Noong 1563, nailimbag at naaprubahan ng Synod of Heidelberg ang paggammit ng Heidelberg Catechism. Ito ay naging napaka-popular na gabay sa pagtuturo sa iba’t-ibang reformed churches. Nagkaroon ito ng maraming edition at noong 1618-1619, ito naman ay naaprubahan din ng Synod of Dort at naging pinaka-ecumenical na catechism sa halos lahat ng mga reformed churches. Ito ay nai-translate sa iba’t-ibang salita at ginamit sa pagtuturo sa mga reformed churches sa loob ng maraming henerasyon.

Ngayong hapon, ang ating tatalakayin ay ang mga nakasaad na tanong at sagot sa Unang Araw ng Panginoon sa Katekismong Heidelberg:

Tanong: Ano ang tangi mong kalakasan at kaginhawaan sa buhay at sa kamatayan?

Sagot: Na hindi ko pag-aari ang aking sarili. Sa halip, ako ay pag-aari
—sa katawan at kaluluwa, sa buhay at sa kamatayan—
ng aking tapat na Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Binayaran Niya nang buo ang lahat ng aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang mahalagang (precious) dugo,
at pinalaya Niya ako sa lahat ng kapangyarihan ng diyablo.
Iniingatan Niya rin ako sa pamamaraang –
kung walang pahintulot ng aking Amang nasa langit ay walang malalaglag kahit isang buhok mula sa aking ulo.
Tunay na ang lahat ng bagay ay magkakatugma-tugma para sa aking kaligtasan.

Dahil dito, sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Espiritu ay binibigyan rin Niya ako ng katiyakan
ng buhay na walang hanggan
At ginagawa Niya akong taus-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kaniya.

Ang Ating Tanging Kaaliwan

Sa unang Araw ng Panginoon ng Heidelberg Catechism, ang unang tinalakay ay ang konsepto ng kaaliwan o comfort. Ayon kay Zacharius Ursinus, “comfort is that which results from a certain process of reasoning, in which we oppose something good to something evil, that by a proper consideration of this good, we may mitigate our grief, and patiently endure the evil”. Upang makamtan natin ang kaaliwan na ito, nararapat na ang kabutihan ay mas higit kaysa sa kasamaan na nilalabanan nito. Bilang patuloy na paglilinaw, ang kasamaang ating tinutukoy ay hindi lamang iyong mga tipikal na problema o trahedya na dumarating sa ating buhay tulad ng kahirapan, pagkawala ng isang mahal sa buhay, pakakaroon ng malubhang sakit, pagkasira ng pamilya at iba pa. Ang mga bagay na ito ay totoong nakapagdadala ng paghihirap at pigahati sa ating mga buhay, subalit mayroon pang mas hihigit na kasamaan kaysa sa mga ito na ang dulot na pighati sa atin ay hindi lamang limitado sa buhay na ito kundi maging sa kamatayan. Ang kasamaang aking tinutukoy ay ang kasalanan at kamatayan (o ikalawang kamatayan).

At dahil ang epketo ng kasalanan at kamatayan ay umaabot hanggang sa kabilang buhay, hindi sasapat ang mga pansamantala at mababaw na kaaliwan sa mundong ito, tulad ng kayamanan, entertainment, kasikatan, at iba pa para lunasan ang pighating dala ng kasamaang ito. Kung ang nagdudulot sa atin ng pinakamalalang kapighatian ay ang pinakamalalang kasamaan, nararapat lang na ang ipangtapat natin dito ay ang pinakahigit na kabutihan upang makapagkamit tayo ng kaaliwan at makayanan nating mapagtiisan ang mga pighating dulot ng nasabing kasamaan.

Subalit, kung wala ang gabay ng Banal na Kasulatan, ang mga tao ay napakabilis mag-imbento at mag rekomenda ng kabutihang ipangtatapat sa kasamaang ito.

Ang rekomendasyon ng ibang tao upang takasan ang pighating dala ng kasalanan at kamatayan ay ang paniwalain ang sarili nila na walang Diyos. Dahil kung walang Diyos, ang ibig sabihin ay wala ding tama at mali, at kung walang tama at mali, walang kasalanan, at kung walang kasalanan

walang paghuhukom na magdadala sa atin sa ikalawang kamatayan. Alam naman nating lahat na ang solusyon na ito ay pawang kamangmangan lamang. It is a fool who says in his heart, there is no God. Kahit lokohin pa natin ang ating mga sarili, hindi natin matatakasan ang katotohanan na may Diyos, na tayo ay makasalanan, at balang araw ay haharap tayo sa Kaniya upang tayo ay Kaniyang hatulan. For what can be known about God is plain to them, because God has shown it to them. For His invisible attributes, namely, His eternal power and divine nature, has been clearly perceived, ever since the creation of the world, in the things that have been made. So they are without excuse (Romans 1: 19-20). Nilikha tayong lahat na kawangis ng Diyos kaya’t mayroon tayong mga konsensya, at ang sarili nating mga konsensya ay tumitistigo laban sa atin na tayo ay mga makasalanan.

Ang solusyon naman ng iba ay i-misinterpret o baguhin ang karakter ng Diyos sa pamamagitan ng pagkumbinse sa kanilang mga sarili na ang Diyos ay masyadong mapagmahal para magparusa ng mga tao sa impyerno.

‘Yong iba naman ay masyadong pinapababaw at isinasantabi ang problema ng kasalanan at kamatayan, at pinapalitan ito ng mas mababaw na problema tulad ng kahirapan, sakit, unfulfilled potential at low self-esteem. Talamak ito lalo na sa mga prosperity gospel preachers kung saan halos wala kang maririnig tungkol sa kasalanan, paghuhukom at kamatayan.

Sa ibang mga kulto, ang solusyon para takasan ang pighati ng kasalanan at kamatayan ay ang magpamiyembro sa kanilang iglesia. Mayroon din namang mga taong tila wala na sa tamang pag- iisip na nagsasabing sila ang makapagbibigay ng kaligtasan at ang dapat lang nating gawin ay ang magpapirma o magpaapprove ng ating kaligtasan sa kanila.

Para naman sa mga Romano Katoliko, ang lunas sa kasalanan at kamatayan ay ang pag-gawa ng mabuti at pagsunod sa mga panlabas na seremonya. Subalit alam natin mula sa salita ng Diyos na wala sa ating mga mabubuting gawa ang kailanman makaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. All our good deed are like filthy rags in the sight of God.

Ang tanging kaaliwan natin ay nagmumula sa mabuting balita ng pagliligtas na nagmumula sa ating Panginoong Hesus Kristo. Ito lamang ang nag-iisang lunas na direktang sumasagot sa problema ng kasalanan at kamatayan. Ito ang nag-iisang kaaliwan na solido at sigurado, permanente at hindi pansamantalaga lamang, at nagbibigay sa atin ng lakas upang pagtiisan ang lahat ng paghihirap at pighati na dala ng buhay na ito. Ito lamang ang lunas na kayang maglinis ng ating mga konsensya at pumawi ng ating mga takot. Ito lamang ang kaaliwan na nagbibigay sa atin ng seguridad hindi lamang sa buhay na ito kundi maging sa kamatayan.

Ang kaaliwan na itinuturo sa atin ng Heidelberg Catechism ay binubuo ng anim (6) na bahagi. Hindi muna natin tatalakayin sa ngayon ng maigi ang bawat isa subalit ang mga ito ay muli nating madadaaan at tatalakayin ng mas malalim sa mga susunod Araw ng Panginoon ng Heidelberg Catechism. Ang anim na bahagi ng kaaliwang ito ay ang mga sumusunod:

  1. Ang ating pakikiisa at pakikipag-ayos sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus Kristo, nang sa gayon tayo ay hindi na mga kaaway ng Diyos kundi Kaniyang mga anak. At hindi na natin pag-aari ang ating mga sarili kundi tayo ay pag-aari na ng ating tapat na tagapagigtas na si Hesu-Kristo.

“Na hindi ko pag-aari ang aking sarili. Sa halip, ako ay pag-aari —sa katawan at kaluluwa, sa buhay at sa kamatayan— ng aking tapat na Tagapagligtas na si Hesu-Kristo.”

  • Ang paraan ng pakikipag-isa at pakikipag-ayos natin sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Hesus o ang kaniyang paghihirap, kamatayan at pagbabayad ng ating mga kasalanan.

“Binayaran Niya nang buo ang lahat ng aking mga kasalanan sa pamamagitan ng Kaniyang mahalagang (precious) dugo…”

  • Ang pagliligtas sa atin mula sa kapighatian na dala ng kasalanan at kamatayan. Hindi lang tayo pinag-isa at pinag-ayos ni Kristo sa Diyos kundi tayo ay iniligtas nya rin mula sa kapangyarihan ng dyablo, nang sa gayon, ang kasalanan, kamatayan at si Satanas ay wala nang kapangyarihan pa sa atin.

“at pinalaya Niya ako sa lahat ng kapangyarihan ng diyablo.”

  • Ang patuloy na pagpapanatili ng ating relasyon sa Diyos, ng ating kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan at ng lahat ng benepisyo na dulot sa atin ng pagliligtas sa atin ni Hesus.

“Iniingatan Niya rin ako sa pammaaraang – kung walang pahintulot ng aking Amang nasa langit ay walang malalaglag kahit isang buhok mula sa aking ulo.”

  • Ang pagkakagamit ng lahat ng bagay, maging ng kasamaan, para sa ating ikabubuti at ikaliligtas. Sa buhay na ito maaari tayong makaranas ng mga problema, pagsubok at mga pag-uusig, subalit makakaasa tayo na ang lahat ng ito ay gagamitin ng Panginoon para sa ating kabutihan at kaligtasan. Hindi Niya hahayaang mangyari ang isang bagay sa atin kung hindi ito para sa ating ikabubuti.

“Tunay na ang lahat ng bagay ay magkakatugma-tugma para sa aking kaligtasan.”

  • Ang ating pagkakumbinse at pagkakaroon ng kasiguraduhan na ang kaligtasan, buhay na walang hanggan at lahat ng benepisyong nabanggit ay tunay na mapapasaatin. Ang kasiguraduhang ito ay nagmumula, una, sa pagpapatotoo ng Banal na Espiritu na Siyang nagbibigay sa atin ng totoong pananampalataya. Ang Banal na Espiritu ang Siyang nagsasabi sa atin na tayo nga ay tunay na mga anak ng Diyos.

Pangalawa, ang mga objective na ebidensya ng ating pananampalataya tulad ng tunay na pagsisisi sa ating mga kasalanan, taos-pusong pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, pagakakaroon ng kagustuhan na mahalin at sambahin ang Diyos, at basahin at aralin ang Kaniyang mga salita, ay Siyang nagpapatunay sa atin na tayo nga ay iniligtas ni Kristo at tayo ay itinuturing na mga anak ng Diyos.

“Dahil dito, sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Espiritu ay binibigyan rin Niya ako ng katiyakan
ng buhay na walang hanggan
At ginagawa Niya akong taus-pusong sumasang-ayon at handang mamuhay mula ngayon para sa Kaniya.”

Ang bawat bahaging nabanggit ay importante upang mapanatiling tunay na solido at sigurado ang ating kaaliwan. Kahit sabihin nating tayo ay hindi na mga kaaway ng Diyos kundi Kaniya nang mga anak, kung ang relasyong ito ay hindi pananatilihin ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang

pag-iingat sa atin, hindi parin natin ito maituturing na kaaliwan. O kahit na sabihin nating tayo ay iniligtas na mula sa kapangyarihan ng dyablo at sa kasalanan at kamatayan, kung sakripisyong ginamit upang bilhin ang ating kaligtasan ay hindi sapat, di katulad ng mahalagang dugo ni Hesus, hindi natin ito matatawag na solidong kaaliwan.

At kahit sabihin pa natin na ang lahat ng bagay ay ginagamit ng Diyos para sa ating ikabubuti at ikaliligtas subalit wala naman tayong paraan para malaman na tayo nga ay Kaniyang iniligtas, ito rin ay hindi maituturing na tunay na kaaliwan. Kaya naman ang bawat bahagi ng kaaliwang nabanggit ay mahalaga.

Mga Bagay na Dapat nating Malaman Upang Makamit ang Kaaliwang Ito

Tanong: Ano ang dapat mong malaman upang makapamuhay ka at mamatay sa kagalakan ng kalakasan at kaginhawaang ito?

Sagot: Tatlong bagay: Una, kung gaano kalubha ang aking mga kasalanan at ang aking pagdurusa. Pangalawa, kung paano ako iniligtas mula sa aking mga kasalanan at pagdurusa. Pangatlo, kung paano ako dapat magpasalamat sa Diyos na nagligtas sa akin.

Ang unang bagay na dapat nating malaman upang makamit natin ang kaaliwang nabanggit ay kung gaano kalubha ang ating mga kasalanan at ang ating pagdurusa. Ang kaalaman ng ating pagdurusa ay hindi ang siyang nagbibigay sa atin ng kaaliwan, bagkus, ito pa nga ay nagdudulot sa atin na maalarma at magpanic. Subalit, importanteng magkaroon tayo ng kaalamang ito upang tayo ay maghangad na maligtas mula sa kasalanan at pagdurusa. Ang isang taong hindi alam na siya ay may malubhang sakit ay hindi magnanais na uminom ng gamot para lunasan ang kaniyang karamdaman.

Ang kaalamang ito ay siyan ring tutulong sa atin na mas maging mapagpasalamat sa Diyos dahil sa kaligtasang Kaniyang ibinigay. Therefore, I tell you, her sins which are many, are forgiven – for she loved much. But he who is forgiven little, loves little (Luke 7:47).

Kung wala tayong kaalaman ng kalubhaan ng ating kasalanan at pagdurusa, hindi natin mapapakinggan nang may pakinabang ang mabuting balita. Hindi maihahanda ang ating mga puso para tanggapin ang grasya ng pagliligtas ng Panginoon kung hindi muna tayo makukumbinse na tayo ay tunay na makasalanan at tiyak ang ating kapahamakan sa paghuhukom.

Ang ikalawang bagay na dapat natin malaman ay kung paano tayo nailigtas mula sa ating kasalanan at pagdurusa. Kung hindi natin malalaman ang bagay na ito ay malulugmok lamang tayo sa kawalan ng pag-asa lalo na’t nagkaroon na tayo ng kaalalaman ng kalubhaan ng ating kasalanan at pagdurusa. Ang kaalamang ito ay siyang magdudulot din sa atin na maghangad na maligtas at magkaroon ng kaaliwan. Ang pagkakaroon ng kaalamang ito ay mahalaga rin upang hindi tayo mag-imbento ng ibang paraan upang maligtas at upang hindi tayo mapaniwala sa iba’t- ibang huwad na pamamaraan ng kaligtasan na inererekomenda sa atin ng mga kalaban ng mabuting balita.

At ang panghuli, ang pagkakaroon ng kaalamang ito ay mahalaga upang tayo ay magkaroon ng pananamapalataya, sapagkat ang pananampalataya ay tinatanggap natin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaalaman ng ating kaligtasan. So faith comes from hearing, and hearing through the word of Christ (Romans 10:17).

Ang huling bagay na dapat nating malaman upang makamit ang nabanggit na kaaliwan ay kung paano natin pasasalamatan ang Diyos na nagligtas sa atin. Una, mahalagang malaman natin ito dahil nararapat lang na maging tugon natin sa pagliligtas sa atin ng Diyos ang pagpapasalamat. Ang Diyos ay nagagalak na bigyan ng kaligtasan ang mga taong mapagpasalamat sa Kaniya.

Ikalawa, dapat nating ipakita ang ating pasasalamat sa Diyos sa paraang katanggap-tanggap sa Kaniya. Hindi tayo binigyan ng Diyos ng kumpletong kalayaan para magdesisyon kung papaano natin Siya sasambahin at pasasalamatan. Kaya nga makikita natin na kahit sa lumang tipan ay nagbigay ang Diyos ng mga alituntunin at detalyadong instruksyon para sambahin at pasalamatan siya ng Kaniyang kongregasyon. Nang magdesisyon ang mga Israelita na purihin ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng isang gintong guya, na hindi naman Niya iniutos, ito ay naging dahilan para bumagsak ang poot ng Diyos sa Israel at magresulta sa pagkamatay ng libo-libong Israelita.

Ikatlo, upang malaman natin ano mang mabubuting bagay or paglilingkod ang gawin natin para sa Diyos at sa ating kapwa, ay hindi magbibigay sa atin ng merito upang maligtas, sa halip, ang mga ito ay ginagawa natin upang ipakita ang ating pagpapasalamat sa Diyos dahil sa ginawa Niyang pagliligtas sa atin. Dahil dito, tayo ay mapapaalalahanan na kailan man ay hindi tayo naging karapat-dapat para sa kaligtasang ito.

Panghuli, upang mas mapagtibay ang ating pananampalataya at kaaliwan, at sa pamamagitan ng pagkakaroon natin ng pasasalamat sa Diyos ay lalo tayong magkaroon ng katiyakan na tayo nga ay Kaniya nang iniligtas at tayo ay itinuturing na Niyang mga anak.

Kaya naman mga minamahal kong mga kapatid, dapat nating pagsikapang mapasaatin ang kaaliwang dala ng kaalaman ng pagliligtas sa atin ni Hesus. Ipaalala natin sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng catechism na ito kung gaano kalubha ang ating mga kasalanan at pagdurusa, kung papaano tayo iniligtas ng Panginoon at kung paano natin maipapakita sa Kaniya ang ating pasasalamat.

+ posts
Share with others:
Facebook
Twitter
Email
Print

Leave a Comment

Latest Sermons

Related Articles

VISIT OUR CHURCH

Come, join us as we worship the Lord and learn from His Word