Noong nakaraang linggo, ating tinalakay ang ating tanging kaaliwan sa buhay at kamatayan. Ating nabanggit na ang ating tanging kaaliwan ay ang pagliligtas sa atin ng ating Panginoong Hesu-Cristo at ang nasabing kaaliwan ay na binubuo ng anim (6) na bahagi. Ito ay ang mga sumusunod:
- Ang ating pakikiisa at pakikipag-ayos sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus Kristo, nang sa gayon tayo ay hindi na mga kaaway ng Diyos kundi Kaniyang mga anak.
- Ang paraan ng pakikipag-isa at pakikipag-ayos natin sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Hesus o ang kaniyang paghihirap, kamatayan at pagbabayad ng ating mga kasalanan.
- Ang pagliligtas sa atin mula sa kapighatian na dala ng kasalanan at kamatayan.
- Ang patuloy na pagpapanatili ng ating relasyon sa Diyos, ng ating kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan at ng lahat ng benepisyo na dulot sa atin ng pagliligtas sa atin ni Hesus.
- Ang pagkakagamit ng lahat ng bagay, maging ng kasamaan, para sa ating ikabubuti at ikaliligtas.
- Ang ating pagkakumbinse at pagkakaroon ng katiyakan na ang kaligtasan, buhay na walang hanggan at lahat ng benepisyong nabanggit ay tunay na mapapasaatin.
Tinalakay ko din sa aking nakaraang sermon na mayroon tayong tatlong (3) bagay na dapat malaman upang makamit natin ang kaaliwang ito. Una, dapat nating malaman kung gaano kalubha ang ating mga kasalanan at pagdursa. Ikawala, dapat nating malaman kung papaano tayo iniligtas ng Diyos mula sa kasalanan at pagdurusang ito. At panghuli, kung papaano tayo dapat magpasalamat sa Diyos na nagligtas sa atin.
Nagyong hapon, ating tatalakayin ang unang bagay na dapat nating malaman upang tayo ay makapamuhay sa kalakasan at kagalakang hatid ng ating tanging kaaliwan. Ngunit bago ang lahat, tayo muna ay manalangin.
Aming Diyos na banal at makapangyarihan, lumalapit kami ngayon sayo ngayong hapon upang ikaw papurihan at pasalamatan para sa biyaya ng pagliligtas na iyong ibinigay sa amin sa pamamagitan ng iyong bugtong na anak na si Hesus. Panginoon, tulungan mo kaming lalong maunawan ang kadakilaan ng pagliligtas na ito sa pamamagitan ng pagkakaalam namin sa kalubhaan ng aming mga kasalanan at ng aming pagdurusa. Buksan mo ang aming mga isipan at ipaintindi mo sa amin kung gaano kabigat ang parusang dala ng aming pagsalangsang sa iyong mga banal na utos at sa iyong kabanalan. O Paginoon, gawin mo kaming lubos na mapagpasalamat sa iyo. Ito ang aming dalangin sa pangalan ng iyong anak na si Hesus, amen.
Ang Kaalaman ng ating Pagdurusa
Ating basahin ang ika-2 araw ng Panginoon ng Katekismong Heidelberg, tanong at sagot bilang 3.
Tanong: Paano mo nalalaman ang iyong pagdurusa?
Sagot:
Pinapahayag ito ng Kautusan ng Diyos.
Ang salitang ginamit sa tanong na ating nabasa ay pagdurusa. Hindi sinabi rito na “Paano mo nalaman ang iyong kasalanan” sa halip ang pagkakalatag ng tanong ay “Paano mo nalaman ang iyong pagdurusa”. Ang salitang pagdurusa ang ginamit sa tanong na ito dahil ang nasabing salita ay may mas malawak na kahulugan na hindi sumasakop hindi lamang sa konsepto ng pagkakasala kundi pati narin sa konsepto ng kaparusahan na kaakibat ng pagkakasala. Sa makatuwid, ang ating pagdurusa ay dala nga pagkaksala natin sa Diyos, at ang kaparusahang ipapataw sa atin ng Diyos dahil sa pagkaksalang ating nagawa.
Ang sabi ng Katekismong Heidelberg, ang pagdurusa nating ito ay ating nalaman mula sa kautusan ng Diyos. Mababasa natin sa Romans 3:20 ang sumusunod: “For by works of the law no human being will be justified in his sight, since through the law comes knowledge of sin.” At sa Deuteronomy 27:26 naman, ating mababasa: “Cursed be anyone who does not confirm the words of this law by doing them.’ And all the people shall say, ‘Amen.’”
Mula sa mga talatang ating nabanggit, malinaw nating nalaman na nanggaling sa kautusan ng Diyos ang pagkakaalam natin na tayo ay makasalanan. At mula din sa kautusan ng Diyos, ating nalaman na ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng pinaguutos ng Diyos ay isinumpa.
Subalit papaano kung ang isang tao ay walang access sa Bibliya? Nangangahulugan ba nito na hindi nya na dadanasin ang pagdurusang dala ng kanyang pagkakasala at ng tatanggapin niyang kaparusahan? Ang sagot ay hindi. Isa sa mga prinsipyong aking natutunan sa pag-aaral ng batas ay ang latin maxim na ignorantia legis neminem excusat o sa ingles, “ignorance of the law excuse no one”. Daranasin parin ng isang tao ang pagdurusang ating nabanggit kahit pa hindi nya nalaman ang mga kautusan ng Diyos at ang kaparusahang kaakibat ng pagsuway dito, mula sa Bibilya. At isa pa, hindi porket walang access sa Bibliya ang isang tao ay wala nang ibang paraan para malaman niyang totoo ang Diyos at nagkakasala siya sa Diyos. Ang sabi sa Romans 1:20 ay: “For his invisible attributes, namely, his eternal power and divine nature, have been clearly perceived, ever since the creation of the world, in the things that have been made. So they are without excuse.” At sa Romans 2:14-15 ating mababasa: “For when Gentiles, who do not have the law, by nature do what the law requires, they are a law to themselves, even though they do not have the law. They show that the work of the law is written on their hearts, while their conscience also bears witness, and their conflicting thoughts accuse or even excuse them.”
Sa madaling salita, kahit walang access sa bibliya ang mga tao, alam nila na may Diyos at alam nil ana may nalalabag silang mga kautusan ng Diyos dahil isinulat ng Diyos na lumikha sa kanila ang kanyang mga kautusan sa kanilang mga puso. Kaya nga ang lahat ng tao, may bibliya man o wala, ay walang maidadahilan sa Diyos para sa kanilang mga paglabag.
Ganoon pa man, dapat din nating maintindihan na ang isang tao, kapag masyado ng tumigas ang kanyang puso at nadiliman ang isipan dahil sa putuloy na pagkakasala, naaapektohan na ang kanyang kakayahan na matukoy kung ano ba ang tama at mali dahil nagkakakalyo na ang kaniyang konsensya. Kaya kahit isinulat ng Diyos ang kanyang kautusan sa puso ng mga tao, mahalaga parin na ipangaral natin sa kanila ang sinsabi ng Salita ng Diyos tungkol sa bagay na ito upang malaman nila kung gaano kalubha ang kanilang pagdurusa at maisip nilang lumapit sa Diyos upang maligtas.
Tanong: Ano ang hinihingi o inuutos sa atin ng Kautusan ng Diyos?
Sagot:
Itinuturo ito sa atin ni Cristo sa paraan ng buod (summary) sa Matthew 22:37-40:
“Mahalin mo ang Panginoon mong Dios
nang buong puso,
nang buong kaluluwa,
at nang buong pag-iisip,
at nang buong lakas.”
Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat.
At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito:
“Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”
Ang buong Kautusan ni Moises (Moses) at ang mga isinulat ng mga propeta
ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.
Upang maintindihan natin kung gaano kalubha ang ating pagdurusa, dapat muna nating malaman kung ano ba ang hinihinging pagsunod sa atin ng kautusan ng Diyos. Ang buong kautusan ay ibinuod sa atin ni Hesus sa Matthew 22: 37-40. Ang una at pinakamahalagang utos ay ang mahalin natin ang ating Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong pagi-isip at buong lakas. Ito ang itinuturing na pinakamahalagang utos dahil ito ang pinatutunguhan ng lahat ng kautusan. Ang puno’t dulo ng lahat ng kautusang makikita natin sa Bibliya ay ang pagmamahal natin sa Diyos.
Dapat din nating pansinin na ang unang apat na utos sa sampung utos ng Diyos ay pangunahing may kinalaman sa pagmamahal natin sa ating Diyos. Tinatawag din natin itong pinaka mahalagang utos dahil ang object o tatanggap ng pagmamahal na ating nabanggit ay ang pinakamahalaga at pinaka-karapatdapat sa lahat, walang iba kundi ang Diyos na syang lumikha sa atin.
Mapapansin din natin sa kautusang ito na tayo’y naatasang mahalin ang Diyos ng buong puso. Ang tinutukoy ng puso sa Bibliya ay hindi ang literal na puso na parte ng ating katawan. Ito ay tumutukoy sa ating seat of passion and emotion. Sa madaling salita, dapat nating mahalin ang Diyos ng buong emosyon o sa paraang tunay nating nararamdaman. Hindi tayo dapat maging katulad ng mga Stoics na walang emosyon at parang bato lang. Totoong hindi dapat tayo mahulog sa klase ng pagsamba na nakabase lamang sa emotionalism o sentimentalism, pero hindi nangangahulugan na ang pagsamba natin sa Diyos ay nasa utak lang at wala sa ating mga emosyon.
Nabanggit din sa kautusan na dapat natin Siyang mahalin ng buong kaluluwa. Ang tinutukoy naman ng kaluluwa sa Bibliya ay ating will o kalooban. At ang sumunod ay, dapat din nating mahalin ang Diyos ng buong pag-iisip. Kaya naman napakaimportanteng makilala muna natin ang Diyos nang sa ganoon ay magawa nating sambahin siya sa paraang nararapat para sa kanya. Ang mga taong binabalewala ang pagaaral ng Salita ng Diyos at mga doktrinang makatutulong para higit natin siyang makilala, ay hindi magagawang sambahin at papurihan ang Diyos ng tunay at nararapat.
Kung ating mapapansin, hinihingi ng kautusan na mahalin natin ang Diyos ng buong puso (emotion), buong kaluluwa (will) at buong pag-iisip (intellect). Ang emotion, will at intellect ay mga elemento na syang bumubuo sa isang person, o katauhan. Nangangahulugan lamang na ang klase ng pagmamahal sa Diyos na hinihingi sa atin ng kautusan ay iyong klase ng pagmamahal na sumasaklaw sa ating buong pagkatao.
Ang sumunod naman na utos ay katulad ng nauna, at ito ay ang mahalin natin ang ating kapwa kagaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. Ang kautusang ito naman ay may kinalaman sa ika-5 hangang ika-10 utos ng Diyos. Ang ikalawang utos ay sinabing katulad ng nauna dahil parehas silang mahalaga at parehas silang kumakatawan sa lahat ng mga utos na ibinigay ng Diyos sa Bibliya. Ganoon pa man, hindi ito nangangahulugan na parehas sila ng antas ng importansya. Palaging higit na mas mahalaga ang pagmamahal natin sa Diyos, at kailanman hindi ito magiging kapantay ng importanysa ng pagmamahal natin sa ating kapwa. Dapat nating maintindihan na ang pagmamahal natin sa kapwa ay umuusbong lamang mula sa tunay na pagmamahal natin sa Diyos. Habang lalo nating minamahal ang Diyos, lalo rin tayong nagkakaroon ng kakayahang mahalin ang ating kapwa. Ang ating pagmamahal sa ating kapwa ay direktang resulta ng pagmamahal natin sa Diyos. Kaya nga sinsabi ng Banal na Kasulatan na kung sinasabi nating iniibig natin ang Diyos subalit kinamumuhian naman natin ang ating kapwa, tayo ay nagsisinungaling.
Kung ang object ng unang pinakamahalagang utos ay ang Diyos, ang object naman ng ikalawang pinakamahalaga ay ang ating kapwa. Kasama sa salitang kapwa ang ating mga magulang, asawa, anak, kapatid, kaibigan, hindi mga kakilala at maging ang ating mga kaaway. Hindi sinabi ng Bibliya na dapat din natin silang mahalin ng buong puso, isip, lakas at kaluluwa, subalit nasasad naman dito na dapat natin silang ibigin na tulad ng pagibig natin sa ating sarili. Kaya naman ininutos din satin ng ating Panginoon sa Luke 6:31 na: “And as you wish that others would do to you, do so to them.”
Tanong: Kaya mo bang tuparin nang ganap ang lahat ng ito?
Sagot:
Hindi. Likas sa akin ang kamuhian ang Diyos at pati ang aking kapwa.
Upang maintindihan natin ang kalubhaan ng ating pagdurusa, hindi lamang sapat na malaman natin kung gaano kahirap ang pagsunod na hinihingi sa atin ng Diyos. Dapat din natin malaman na tiyak na hindi natin kayang gawin ang mga ito. Hindi natin kayang mahalin ang Diyos ng buong puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas dahil likas para sa atin ang kamuhian siya. Ang sabi ng Ephesians 2:1-3, “And you were dead in the trespasses and sins in which you once walked, following the course of this world, following the prince of the power of the air, the spirit that is now at work in the sons of disobedience— among whom we all once lived in the passions of our flesh, carrying out the desires of the body and the mind, and were by nature children of wrath, like the rest of mankind.”
Katulad din nito, hindi natin kayang mahalin ang ating kapwa ng kagaya ng pagmamahal natin sa ating sarili dahil likas na kinamumuhian natin ang ating kapwa. Narito ang sinasabi ng Titus 3:3 – “For we ourselves were once foolish, disobedient, led astray, slaves to various passions and pleasures, passing our days in malice and envy, hated by others and hating one another.”
Ang Pagkahulog at Pagkakasala ng Ating mga Unang Magulang
Subalit kung tayo ay likas na namumuhi sa Diyos at sa ating kapwa, hindi ba ito ay sa kadahilanang nilikha tayo ng Diyos sa ganitong kalagayan? Ang tanong na ito as sasagutin naman ng ika-6 na tanong at sagot sa ika-3 araw ng Panginoon ng Katekismong Heidelberg:
Tanong: Kung gayon, nilikha ba ng Diyos ang tao na ubod nang sama at saliwa laban sa
Kanya?
Sagot:
Hindi. Nilikha ng Diyos na mabuti ang tao at ayon sa Kanyang wangis,
na ang ibig sabihin ay may totoong katuwiran at kabanalan,
upang sa gayon ay maaari niyang
makilala nang tunay ang Diyos na kanyang manlilikha,
mahalin Siya nang buong puso, at
mamuhay na kapiling ang Diyos sa magpasawalang hanggang kaligayahan,
para sa ikapupuri at kaluwalhatian Niya.
Malinaw ang sagot ng Heidelberg Catechism na hindi nilikhang likas na masama ng Diyos ang mga tao. Sa halip, nilikha nya ang mga ito ng mabuti at ayon sa kanyang wangis. Nang likhain ng Diyos ang mga unang tao, nilikha niya sila nang mabuti o walang bahid ng kasalanan at imortal. Ganoon pa man, hindi niya nilikha ang mga unang tao nang walang kakayang magkasala at walang kakayahang mamatay. Bilang paglilinaw, nilikha ng Diyos ang tao na may dalawang kakayahan. Una, kaya nitong sundin ang ipinaguutos ng Diyos, at ay kaya rin nitong huwag sundin ang pinaguutos ng Diyos. Pangalawa, kaya ng tao na magpatuloy sa pagiging imortal at kaya rin niyang maiwala ang kanyang imortalidad. Nang ilagay ng Diyos si Eba at Adan sa paraiso ng Eden, sila ay nasa kalagayan ng pagsubok, kung saan kung sila ay magpapatuloy na sundin ang utos ng Diyos ay mawawala ang kanilang kakayahan na magkasala at mamatay. Subalit kung sila ay susuway sa utos ng Diyos, ay mawawala ang kanilang kakayahang huwag magkasala at ang kanilang imortalidad.
Sinasabi din ng katekismo na nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang wangis. Hindi ito na ngangahulugan na nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang pisikal na itsura. Dapat nating tandaan na ang Diyos ay espiritu. Ang sabi ng John 4:24, “God is spirit, and those who worship him must worship in spirit and truth.” Ang isang espiritu ay walang pisikal na katawan kaya hindi maaaring pisikal na kaanyuan ang tinutukoy na wangis ng Diyos sa katekismong ito.
Ayon sa Ephesians 4:24 – “and to put on the new self, created after the likeness of God in true righteousness and holiness.” Sa madaling salita, ang ibig sabihin ng nilikha ang tao ayon sa wangis, likeness o image ng Diyos ay ang pagkakaroon nito ng totoong katuwiran at kabanalan, dahil ang mga katangiang ito ay mga katangian ng Diyos na niloob niyang makita din sa atin. Hindi lang ang katuwiran at kabanalan ang mga katangian ng Diyos na makikita rin sa atin, nariyan din ang karunungan, kahabagan, kabutihan, katapatan at iba pa. Ang katuwiran at kabanalan lamang ang mga pinakapangunahing katangian ng Diyos na niloob niyang ibahagi sa atin.
Niloob ng Diyos na maging mabuti at kawangis nya ang mga tao upang makilala siya ng mga ito ng tunay, at magkaroon sila ng kakayahan na mahalin Siya nang buong puso at upang mamuhay sila ng kapiling Niya sa magpasawalang-hanggang kaligayahan. At ang pinakalayunin ng paglikha ng Diyos sa mga tao sa ganitong paraan ay para sya ay lubos na mapapurihan at maluwalhati.
Pero kung ginawa naman pala ng Diyos na mabuti at kawangis niya ang mga tao sa katuwiran at sa kabanalan, saan naman nagmula ang masama at makasalanang kalikasan ng tao? Upang sagutin ito, basahin natin ang tanong at sagot bilang 7:
Tanong: Kung gayon, saan nagmula ang masama at makasalanang kalikasan ng tao?
Sagot:
Ito ay nagmula sa pagkahulog at pagsuway ng ating unang mga magulang,
sina Adan at si Eba, sa Paraiso.
Itong pagkahulog ay lubos na nakalason sa ating kalikasan,
kaya’t tayong lahat ay ipinaglihi at isinilang sa kasalanan.
Ayon sa katekismo, ang pagkahulog at pagsuway ni Eba at Adan ang pinanggalingan ng ating masamang kalikasan. Ang sabi ng Romans 5:12 – “Therefore, just as sin came into the world through one man, and death through sin, and so death spread to all men because all sinned”
Subalit ganoon na lamang ba kabigat ang kasalanan nina Eba at Adan upang parusahan sila ng ganoon katindi at para madamay ang kanilang mga susunod na salin-lahi? Kung ating susuriin, hindi lamang ang pagkain ng pinagbabawal na prutas ang naging kasalanan nina Eba at Adan. Una, nagiging pagkakasala din ni Eba at Adan ang pagmamalaki at pagiging ambisyoso. Ang isa sa mga rason kung bakit kinain nila ang ipinagbabawal na prutas ay dahil sinabi sa kanila ng ahas na kapag kinain nila ito ay magiging katulad sila ng Diyos na alam ang pinagkaiba ng tama at mali.
Naging kasalanan din nila ang kawalan ng paniniwala sa Diyos. Sa kabila ng babala ng Diyos na sila ay mamamatay kapag kinain nila ang prutas, mas pinaniwalaan parin nila ang ahas ng sabihin nitong hindi naman sila mamamatay. Pinaniwalaan nila ang isang hamak na ahas subalit hindi nila pinaniwalaan ang salita ng Diyos na lumikha sa kanila.
Bukod pa rito, sila ay naging walang mga utang na loob o ungrateful sa Diyos na lumikha sa kanila at nagbigay sa kanila ng kapangyarihang pamahalaan ang lahat ng mga nilikha. Hindi rin nila inisip kung ano ang magiging epekto ng kanilang desisyon sa kanilang mga anak at mga kaapu-apuhan.
Kaya naman kung titignan natin ay napakabigat talaga ng naging kasalanan nina Eba at Adan, at nararapat lamang sa kanila ang parusang ipinataw ng Diyos.
Pero ganoon pa man, hindi ba tila hindi naman patas na madamay tayo sa kasalanan ni Eba at Adan? Bilang mga myembro ng isang reformed church, marahil ay pamilyar tayo sa konsepto ng Federalismo. Hindi ito yung form ng government na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon, kundi yung konsepto kung isaan inirerepresenta ng isang tao ang mas nakararami. At ano man ang maging kahihinatnan ng kaniyang mga kilos ay hindi lamang makaaapekto sa kany kundi pati na din sa mga taong kanyang kinakatawan.
Alam natin na ang rason kung bakit tayo nadamay sa kasalan ni Adan ay dahil siya ang ating naging kinatawan sa hardin ng Eden. Gayon pa man, kahit naiintindihan natin na tayo ay ikinatawan ni Adan dahil sa konsepto ng Federalismo, hindi ba’t hindi parin makatarungang madamay tayo sa kasalanan niya gayong hindi naman tayo binigyan ng pagkakataong piliin kung sino ang kakatawan sa atin?
Ang sagot sa katanungang ito ay ang pagiging patas at makatarungan ng Diyos. Oo hindi tayo binigyan ng pagkakataong piliin ang ating kinatawan subalit ang Diyos naman ang pumili nito para sa atin. At dahil ang Diyos ay patas at makatarungan, hindi siya pipili ng kinatawan ng sangkatauhan na mahina para subukin sa hardin ng Eden, bagkus, ang pipiliin niya ay ang pinaka malakas o mahusay na kinatawan. Ngayon, kung si Adan ang kanyang pinili, ibig sabihin lamang nito na si Adan ang pinaka malakas at mahusay sa ating lahat. Kahit ulitin pa natin ang senaryo sa hardin ang Eden, at papiliin natin ang Diyos ng ibang kinatawan, parehas na resulta parin ang kakalabasan, magkakasala at mahuhulog din ang sinumang pipiliin niya.
Ang Kalubhaan ng Ating Kasalanan at ng Kaparusahan Nito
Tanong: Subalit gayon na lang ba tayo kasama na wala na tayong kakayahang gumawa ng
kahit anong kabutihan at puro na lang kasamaan?
Sagot:
Oo, maliban na lang kung tayo ay isilang muli sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.
Katulad ng unang nabanggit, nang likhain ng Diyos ang tao, ito ay may kakayahang hindi magkasala at may kakayahang gumawa ng kasalanan. Kung napagtagumpayan ni Adan ang pagsubok sa Eden, mawawala sana ang kanyang kakayahang magkasala at ang matitira na lamang ay ang kakayahan niyang hindi magkasala. Subalit dahil siya ang nagkasala, ang naiwan sa kanya ay ang kakayahang magkasala at nawala ang kakayahan niyang hindi magkasala. Ang sabi pa ng katekismo ay makakagawa lang tayo ng kabutihan (at hindi puro lamang kasalanan) kung tayo ay isisilang muli sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Kung ganoon, papaano naman yung mga mabubuting gawa ng mga taong hindi mananampalataya? Papaano naman yung mga atheist na nagbibigay ng limos, tumutulong sa mga nasalanta, ipinaglalaban ang karapatan ng naaapi at nagsasakripisyo para sa kanyang kapwa? Maituturing parin ba nating kasalanan ang mga ginagawa nila?
Ang sagot sa tanong na ito ay oo. Maaaring ang kanilang mga ginagawa ay mabubuti para sa mata ng mga tao, subalit para sa Diyos ay kasalanan lamang ang mga ito. Ang sabi sa Isaiah 64:6 – “We have all become like one who is unclean, and all our righteous deeds are like a polluted garment”. Iyong phrase na polluted garment, sa original na translation nito ay gamit na pasador or menstrual cloth. Nangangahulugan lamang na ang ating mabubuting gawa, sa harap ng isang ganap na banal at matuwid na Diyos, ay para lamang isang madumi at gamit na pasador o napkin, na walang ibang pakinabang kundi itapon sa basurahan.
Para masabing ang mabuting gawa ng isang tao ay totoong mabuting gawa sa harapan ng Diyos, hindi lamang sapat na ang kanyang ginagawa ay alinsunod sa kautusan ng Diyos, tulad ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Bukod dito, nararapat din na ang mabuting gawa ay may kaakibat na tunay na pananampalataya sa Diyos. Sabi sa Hebrews 11:6 – “And without faith it is impossible to please Him”. At bukod pa sa pananampalataya, dapat ay ginagawa natin ang mabuting bagay na ito nang may layunin na papurihan ang Diyos. Ang sabi ng 1 Corinthians 10:31 – “So, whether you eat or drink, or whatever you do, do all to the glory of God.” Kung ang ating mabuting gawa ay walang kasamang tunay na pananampalataya sa Diyos at hindi ginawa na may layuning papurihan siya, ito ay hindi maituturing ng Diyos na mabuting gawa kundi isa lamang kasalanan. Kaya nga imposible para sa hindi mananampalataya na gumawa ng kahit isang mabuting bagay dahil ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos at layuning papuriha siya ay mga katangiang eksklusibo lamang sa mga ipinanganak muli sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.
Tanong: Ngunit hindi ba lumalabas na hindi makatarungan ang Diyos sa pag-utos sa
Kanyang kautusan ng bagay na hindi naman kayang gawin ng tao?
Sagot:
Hindi, sapagkat nilikha ng Diyos ang tao na may kakayahang sundin ang kautusan.
Ngunit ang tao, sa pag-u-udyok ng diablo,
at sa kanyang buong kusang pagsuway,
ay tinanggalan niya ang kanyang sarili ng biyayang ito pati na ang lahat ng taong galing sa
kanya.
Tulad ng nauna nang nabanggit, ang tao ay ginawa ng Diyos na may kakayahang sundin ang kanyang kautusan subalit nawala ito dahil sa kanyang paglabag sa utos ng Diyos sa udyok ng diablo. Ang paglabag na ito ay kusang loob na ginawa ni Adan. Kaya naman hindi natin maaaring sabihin na hindi makatarungan ang Diyos sa pagbibigay sa atin ng kautusang hindi natin kayang gawin. Kaya nating sundin ang kautusan ng Diyos sa simula pero tinanggal sa atin ang kakayahang ito dahil sa kasalanan ni Adan.
Tanong: Pahihintulutan ba ng Diyos ang gayong pagsuway at paghimagsik laban sa Kanya
nang walang kaparusahan?
Sagot:
Tiyak na hindi.
Kakila-kilabot ang Kanyang galit
sa ating minanang kasalanan
at pati na rin sa ating mga ginagawang kasalanan.
Paparusahan Niya ang tao sa mga kasalanang ito ayon sa makatarungang paghatol
ngayon at magpasawalang hanggan,
gaya ng ipinahayag:
“Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod
sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan”
Parte ng pagdurusa ng tao na ating tinatalakay ngayon ay ang tiyak na kaparusahang daranasin natin mula sa Diyos. Minsan sa likod ng ating mga isip ay sinusubukan nating kumbinsihin ang ating mga sarili na baka wala naman talagang kaparusahang dadating. O baka naman tayo ay papalampasin ng Diyos sa ating mga kasalanan lalo na at lahat naman tayo ay nagkakasala talaga.
Pero malinaw ang sagot sa tanong na ating narinig. Tiyak na hindi papahintulutan ng Diyos na ang ating mga kasalanan ay hindi mapaparusahan. At hindi lamang niya tayo parurusahan para sa ating aktwal na ginawang kasalanan, kundi parurusahan niya rin tayo para sa kasalanang ating namana o yung original sin. Sa totoo lang ay tinatanggap na nga natin sa ngayon ang ilang parusa para dito, dahil ang pagpaparusa sa atin ng Diyos ay hindi lamang mangyayari sa kabilang buhay bagkus, ang iba ay sasapitin natin sa buhay na ito. At ang pruweba na tayo ay pinaparusahan para sa kasalanang ating minana ay ang katotohanang lahat tayo ay namamatay, kasama na doon maging ang mga sanggol na hindi pa nagkaisip at nakagawa ng kasalanan kahit isa.
Tanong: Pero hindi ba ang Diyos ay maawain din?
Sagot:
Ang Diyos ay totoo ngang maawain,
ngunit Siya ay makatarungan din.
Hinihingi ng Kanyang katarungan
na ang kasalanan laban sa Kanyang kataas-taasang kadakilaan
ay dapat patawan ng pinakamatinding parusa—
ang walang hanggang pagpaparusa sa katawan at kaluluwa.
Ang isa sa mga ginagamit nating dahilan upang paniwalain ang ating mga sarili na walang dadating na kaparusahan sa atin ay ang pagiging maawain ng Diyos. Pero madalas, sa pagrarason na ating ginagawa ay nakakalimutan natin na ang Diyos ay makatarungan din, at hinihingi ng kanyang katarungan na ang lahat ng nagkasala ay dapat na parusahan.
Pero kung ang Diyos ay makatarungan at ibinibigay lamang niya ang nararapat na parusa sa lahat ng nagkasala, bakit naman niya papatawan ng walang hangang pagpaparusa sa katawan at kaluluwa ang mga nagkasala sa kanya, gayong ang nagawang kasalanan ng tao ay hindi naman permanente. Hindi ba’t labis na parusa naman ang walang hangang pagpapahirap para sa pagiging makasalanan sa loob lamang ng ilang taon?
Para sagutin ang tanong na ito, ibabahagi ko sa inyo ang isa pang konsepto na aking natutunan sa aming criminal law subject. Ito ay yung konsepto na tinatawag na aggravating circumstance. Ang aggravating circumstance ay isang pangyayari na nagpapabigat sa antas ng kasalanan at kaakibat na kaparusahan para sa isang krimeng nagawa. Ang isang halimabawa ng aggravating circumstance ay ang Contempt or insult of public authorities. Nagkakaroon ng ganitong aggravating circumstance kapag ginawa ang isang krimen sa harap o sa presensya ng isang public official, at sa kabila ng kaalaman ng akusado na nasa presensya siya ng nagsabing personalidad ay itinuloy nya parin ang pagawa ng krimen. Ang epekto ng aggravating circumstance ay pataasin ang sentensya ng akusadong nakagawa ng krimen.
Dapat nating tandaan na tuwing nakakagawa tayo ng kasalanan ay ginagawa natin ito sa presensya ng isang ganap na banal, soberano at makapangyarihang Diyos, at ito ay dahil siya ay omnipresent o naroon siya sa lahat ng lugar sa lahat ng panahon. At kapag nakakagawa tayo ng kasalanan, ay hindi lang natin ito nagagawa laban sa taong ating naagrabyado, kundi higit sa lahat ay ginagawa natin ito laban sa Diyos na siyang nagbigay ng kautusang ating sinuway. Ang mga bagay na ito ang nagsisilbing aggravating circumstance o nagpapalala sa antas ng ating kasalanan at nagpapataas ng ating kaparusahan, kaya naman ang parusang ating tatanggapin ay walang hangang paghihirap sa katawan at kaluluwa.
Hinggil naman sa pagiging maawain ng Diyos, dapat nating mapagtanto na ang konsepto ng awa at katarungan ay magkasalungat. Hindi mo masasabing pinapakitaan mo ng awa ang isang tao kapag ibinigay mo ang kaparusahang nararapat sa kanya, habang sa kabilang banda, hindi mo rin masasabing ikaw ay makatarungan kung maaawa ka naman sa taong nararapat na maparusahan.
Sa totoo lang, kung ang Banal na Kasulatan ay isang mahabang Supreme Court case, ang magiging pinaka-main issue ay papaanong kakaawaan ng Diyos na makatarungan ang mga taong makasalanan. Sa unang tingin ito ay mukhang imposible, pero nasasaad sa Banal na kasulatan na walang imposible sa Diyos. Sabi sa Luke 18:27 – “What is impossible with man is possible with God.” Para malaman natin kung papaano niresolba ng Diyos ang dilemang ito, dapat natin pagaaralan ang susunod na araw ng Panginoon na may kinalaman Kaligtasan.
Kaya mga kapatid, ating pasalamatan ang Diyos dahil gaano man kalubha ang ating pagdurusa, ay ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak na si Hesus para tayo ay iligtas. Nawa’y ang mga natutunan natin nagyong hapon ay maihanda tayo upang lalong maunawan at lalong maging mapagpasalamat sa pagliligtas sa atin ng Panginoon.
-
Eduard Reyeshttps://zcrcimus.org/author/eduard-reyes
-
Eduard Reyeshttps://zcrcimus.org/author/eduard-reyes
-
Eduard Reyeshttps://zcrcimus.org/author/eduard-reyes
-
Eduard Reyeshttps://zcrcimus.org/author/eduard-reyes