Rev. Lance Filio • December 27, 2015
Ang Palatandaan ng Kapahingahan
Sa tuwing sasapit ang bagong taon, karamihan sa atin ay nagdiriwang sa pamamagitan ng pagaalala sa mga naging pagpapala ng mga araw na dala ng kasalukuyang taon kasabay ng pangangako sa bagay na gagawing pagbabago sa darating na bagong taon. Puno ng pagasa, ang pagpapalit ng taon para sa atin ay may dala ng pangako ng pagbabago. Kinikilala ang ating mga pagkukulang, ito ay nagsisilbing palatandaan para sa karamihan ng panahon upang mas pagbutihin ang sarili at gawin ang mga bagay na alam natin nainaasahan sa atin.
Ngunit ito ba ang tunay na tanda ng pagbabago? Dito ba nagkatayo ang pagasa natin bilang kristiyano?
Ang pagpapalit ng taon ay isang pansalibutang tanda ng kapanahunan. Ipinaalala nito sa bawat isang nilalang ang pagikot ng bawa’t oras sa bawa’t buwan hanggang sa maabot ang isang taon at muling babalik naman sa pagbibilang para sa susunod na taon. Ika nga ng isang sikat na kasabihan: “Parang isang gulong, ang buhay ay paikot-ikot lang.”
Kaya nga, ang papalit ng taon ay hindi tanda ng kaligtasan bagkus paghuhukom. Kabilang sa panlahatang kasunduan kay Noe, ito ay palantandaan lamang ng pagpapalit ng kapanahunan:
“At sinamyo ng Panginoon ang masarap na amoy; at nagsabi ang Panginoon sa sarili, Hindi ko na muling susumpain ang lupa, dahil sa tao, sapagka’t ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata; ni hindi ko na muling lilipulin pa ang lahat na nabubuhay na gaya ng aking ginawa. Samantalang ang lupa ay lumalagi, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pagaani, at ang lamig at init, at ang tagaraw at taginaw, at ang araw at gabi.” ~ Genesis 8:21-22
Kaya nga, ito ay isang bagay na panlahatan at ng bawa’t panahon na tulad ng ulan ay walang pagkakaiba sa isang mananampalataya at sa isang di-mananampalataya (Mateo 5:45). Kinakasangkapan lamang ito ng Dios upang maipapatuloy ang kasaysayan ng pagliligtas ngunit sa takdang panahon ito ay kanya ng tatapusin bilang tanda ng kanyang paghuhukom:
“Datapuwa’t huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw. Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.” ~ 2 Peter 3:8-9
Kaya nga, kung hindi na ito ang tunay na tanda ng kapanahunan? Ano kaya ito?
Ang palatandaan ay nasa kasaysayan ng paglikha at ang katunayan naman ay nasa kasaysayan ng pagligtas.
Ang Kasaysayan ng Kapahingahan
Ang tanda ng kapanahunan ayon sa kasaysayan ng paglikha ng Dios batay sa kanyang Banal na Kasulatan ay hindi ang pagpapalit-palit ng kapanahunan katulad ng oras, buwan at taon. Hindi ito sumasabay lamang sa iko’t ng bawat galaw ng mga nilalang ng bagay sa kalawakan tulad ng mundo para sa oras, buwan para sa isang buwan at araw para sa isang taon. Kundi ito ay naka-sang ayon sa huwaran na ipinakita ng Dios mismo ng likhain niya ang sanlibutan at ito ang anim na pagawa at isang araw ng pagpapahinga. Ang isang linggo ng paglikha ang larawan na iniwan sa atin ng Dios na siya din namang iwanan ng Dios bilang halimbawa na marapat sundan ni Adan.
At nakita ng Dios ang lahat ng kaniyang nilikha, at, narito, napakabuti. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaanim na araw. ~ Genesis 1:31
At nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat na natatanaw sa mga iyon. At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa. At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka’t siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa. Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw, na gawin ng Panginoong Dios ang lupa’t langit. ~ Genesis 2:1-4
Ito ang huwaran ng paglikha – ang pagawa at pagpapahinga. Larawan ito ng kasaysayan ng nagpapakilala sa atin na ating paggawa, katulad ng Dios, ay may katapusan sapagkat humahantong ito sa kapahingahan. Nagpapakita ito sa atin na ang lahat ng bawa’t bagay ay may layunin; may katapusan at sa bawa’t katapusan ay kapahingahan bilang gantimpala sa mabuting paggawa. Kaya nga pagkatapos likhain ng Dios ang sanlibutan nakipagkasundo siya kay Adan bilang kanyang kalarawan upang tanggapin ang gantimpala ng kapahingahan sa paraan ng kasunduan sa paggawa. Layunin ni Adan na dalhin ang kabuoan ng lahat ng nilikha sa kanyang sukdulan sa papamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng Dios sa paggawa. Bilang pagsubok, ang gawain ni Adan sa hardin ng Eden ay maghari at paging pari sa lupain at alam natin, ayon sa kasaysayan ng Genesis 3, na hindi natupad ni Adan ang utos na pangalagaan ang hardin laban sa panunukso ng serpiente kaya nahulog ang sangkatauhan kasama nila. Mula nuon ang buong nilikha ay pumasok sa isang sumpa at hindi nakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan. Sa halip na gantimpala, ang buong sangkatauhan ay napasailalim sa isang sumpa ng kamatayan at walang humpay ng paglaban ng lupa at kapanahunan sa kanyang makasalanang hari sapagkat hindi niya natamo ang katuwiran na pamunuan ang mga nilalang.
Dito nagsimula ang kasaysayan ng pagliligtas. Mula sa Genesis 3:15 ay binigay ng Dios ang pangako sa pagliligtas sa kanyang binhing-anyo. Ang kaligtasan ay magmulala sa binhi ni Eba at tatalunin nito ang binhing itinamin ng serpiente sa sangkatauhan. Mula dito ang lahi na maka-tao at ang lahi na maka-Dios ay natatag. Mula kay Cain na lahi ng serpiente at kay Seth na lahi ni Eba, ang pag-ikot ng mga taon ay naging tanda ng walang katapusang paggawa sa lungsod ng tao ngunit sa lungsod ng Dios ay bagama’t ipinagpatuloy ang paggawa ito naman ay tinatapos sa isang pananambahan sa bawa’t ikapitong araw na siyang tanda ng araw ng kapahingahan o “Sabbath”. Lingo-lingo ang bawa’t lahi sa lungsod ng Dios ay naghihintay sa katuparan ng pagdating sa panahon ng pagliligtas, ang sukdulan ng panahon ng nilikha, ang layunin Dios para sa sangkatauhan.
Gayun na lamang ang kahalagahan ng Sabbath para sa lungsod ng Dios na maging sa lumang tipan sa bayan ng Israel, ito ay mahigpit na sinakatuparan bilang tanda para sa kanila ng kaligtasan ng sangkatauhan:
Kaya’t ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath, na tutuparin ang sabbath sa buong panahon ng kanilang mga lahi, na pinakapalaging tipan. Ito’y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man: sapagka’t sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw, ay nagpahinga at naginhawahan.” ~ Exodus 31:16-17
Ngunit katulad ni Adan, ang bayang Israel ay nahulog sa kasalanan at hindi nakatupad sa kasunduan ayon sa kautusan. (Hosea 6:7) Ang hatol ng kamatayan ay nananatili at ang pangako ng kapahingahan pagkatapos ng walang humpay na paggawa ay naghihintay pilit pa rin upang maisagawa. At sapagkat hindi nakapasok sa pahingahan ang bayang Israel, maging mga banal at pinili ng Dios ay hindi nakabot sa katuwiran na para sa gantimpala ng buhay na walang hanggan:
“Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon. Sapagka’t tunay na tayo’y pinangaralan ng mabubuting balita, gaya rin naman nila: nguni’t hindi nila pinakinabangan ang salitang napakinggan, dahil sa walang kalakip na pananampalataya ang nangakarinig. Sapagka’t tayong nagsisipanampalataya ay nagsisipasok sa kapahingahang yaon; gaya ng sinabi niya, Gaya ng aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila’y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan: bagama’t ang mga gawa ay nangatapos mula nang itatag ang sanglibutan.” ~ Hebreo 4:1-4
Bakit hindi nakapasok sa kapahingahan ang bayang Israel katulad ni Adan? Sapagkat tulad ni Adan, hindi sila nakatupad sa kasunduan ayon sa kautusan at gayundin din naman, dala ng kanilang katigasan ay hindi niya kilalala ng may pananampalataya ang paggawa ni Kristo na siyang ikalawang Adan. Ang anak ng Dios, ang Salita ng nagkatawang-tao ay dumating ayon sa kapanahunan (Galatia 4:4-7), mula sa isang babae at nakapailalim sa kautusan, ay nagdala para sa ating lahat ng katuparan ng paggawa sa pamamagitan ng pagsunod niya sa utos ng kanyang Ama na siyang naging katuwiran ng bawa’t isa para sinomang sasampalataya sa kanyang ginagawa. (Romans 5:12-21) At bilang katuparan ng kasunduan ng paggawa at dinala niya ang buong sangkatauhan sa sukdulan ng layunin nito at sa kapahingahang dulot ito. At bilang Panginoon ng Sabbbath, ang larawan ng kapahingan ay naging katunayan para sa sinomang sumasampalataya. Mula sa unang paglikhang tungo sa ikalawang paglikha, ang kapahingahan ay ang Araw ng Panginoon, ang sabbbath ng lumang tipan ay pinalitan ng sabbath ng bagong tipan:
At nangyari, na nagdaraan siya sa mga bukiran ng trigo nang araw ng sabbath; at ang mga alagad niya, samantalang nagsisilakad, ay nagpasimulang nagsikitil ng mga uhay. At sinabi sa kaniya ng mga Fariseo, Narito, bakit ginagawa nila sa araw ng sabbath ang hindi matuwid? At sinabi niya sa kanila, Kailan man baga’y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya’y mangailangan, at magutom, siya, at ang kaniyang mga kasamahan? Kung paanong pumasok siya sa bahay ng Dios nang panahon ng dakilang saserdoteng si Abiatar, at kumain siya ng tinapay na itinalaga, na hindi matuwid kanin maliban na sa mga saserdote lamang, at binigyan pa rin niya ang kaniyang mga kasamahan? At sinabi niya sa kanila, Ginawa ang sabbath ng dahil sa tao, at di ang tao ng dahil sa sabbath: Kaya’t ang Anak ng tao ay panginoon din naman ng sabbath. ~ Marcos 2:23-28
Ang Walang Hanggang Kapahingahan
Dahil dito, ang kapanahunan para sa mga mamanamapalataya ay hindi lamang mabibilang sa pamamagitan ng pagikot ng mga nilalang ng kalawakan kundi sa bawa’t linggo ng pagdidiriwang ng Araw ng Panginoon. Linggo-lingo ang bawa’t isa sa atin isusuko sa Panginoon ng Sabbath ang lahat ng bunga ng ating paggawa sa pagkilala na ang tunay ng paggawa ng nagdala sa atin na tunay na kapayapaan at kapahingahan ay natupad na ni Kristo para sa kanyang bayan at tayo ay makapapasok na sa kanyang kapahingahan. At sapagkat ang larawan ay napawi na at ang katunayan kay Kristo ay nasasatin na, bagama’t tayo ay nagpapaulit lingo-lingo ng pagkikita, alam natin hindi ito katulad ng bawa’t pagikot ng taon para sa lahat ngunit isang pagtatagpo na matatapos huling sukdulan ng pagdating muli ni Kristo:
May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios. Sapagka’t ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa. ” ~ Hebreo 4:9-11
Ang walang hanggang kapahingahan ay pinasok na ng Panginoon ng Kapahingahan (Hebreo 4: 14-16) Dahil dito, ang Araw ng Panginoon lamang ang tanda para sa atin ng pagasa at pagbabago. Ito ang huling Araw ng Panginoon sa taong 2015. Makikita po muli tayo sa unang Araw ng Panginoon sa susunod na taong 2016.